Walang Titulo “Ang Mayamang Pobreng Bansang Pilipinas”

Isang maaliwalas na gabi, ako’y naglalakad pauwi mula sa trabaho dahil wala akong pambayad ng taxi dahil nagastos ko na ang huling patak ng sentimo sa aking bulsa sa isang proyekto sa iskul. Nang mapadaan sa isang iskinita; tumambad sa harapan Adan at Ebang nagpapakasarap ala rodeo; walang pambayad ng motel. Di man lang ako binalingan ng tingin. Tingin ko’y nakapanood mga ‘yon ng sex scandal video na nagkalat sa bangketa.

Sa dulo ng iskinita ay may dead end. Doon, binubugbog si Lampayatot ng mga adik ding tulad nya sa looban. Lampa at payatot dahil sa rugby na ang amoy ay sinisinghot na para bang sabaw ng bulalo.

Sa kabiling panig ng pader, maririnig sina ina at ama. Si ina ay nagsusugal kasama si Baby. Si ama ay tomotoma kasama si junior. Si baby ay pabalik-balik na ng ospital. Mas mahal pa bayad dun kesa presyo ng gatas. Kung gayon nga eh ba’t sa sugal at toma ginagasta ang pera? Mas mahal daw mabuhay kesa mamatay. Mas mura magpalibing kesa magpagaling sa ospital. Si junior hindi nag-aaral tulad ng maraming bata sa iskwater. Di nag-aaral dahil walang panggastos dahil walang trabaho sina ina at ama dahil di sila nakapag-aral dahil walang panggastos dahil…

Palakad-lakad muli paalis sa iskinitang iyon; sa isang tulay kung saan inaasam na masilayan liwanag ng buwan at rikit ng mga bituin at gayon din sana ang samyo ng sariwang pag-agos ng ilog; subalit, smog na makapal sa papawirin lang ang maaaninag at masangsang na tubig kanal ang malalanghap. Naroon naman sa ilalim ng tulay pamilyang sanay na sa ganitong senaryo sapagka’t walang pambili ng lupa at walang pang-renta ng bahay sapagka’t walang sapat na pera sa kakarampot na sahod sapagka’t simpleng trabaho lang ang kayang aplyan sapagka’t walang pinag-aralan sapagka’t walang pang-gastos sa pag-aaral sapagka’t walang sapat na pera sa kakarampot na sahod ang magulang sapagka’t simpleng trabaho lang ang kayang aplyan sapagka’t walang pinag-aralan sapagka’t walang pang-gastos sa pag-aaral sapagka’t…

Palakad-lakad pa rin at sa may parke na lamang tutungo. Tiyak na maganda roon kahit pa nagkalat ang mga kalat at basura sa daan. May pera sa basura dahil pwedeng irecycle ang maraming patapon nang bagay. Makakahanap nang paraan ang malikhaing Pinoy. Nga pala, may pagkain din sa basura, may bahay pa nga eh. Tulad ng karitong tahanan ng pamilya ni Mang Jose. Dun din galing batchoy nila Utoy galing sa tira-tirang pagkain ng mga resto.

Sa wakas ang parke! Simple man ay libre naman dito. May simbahan malapit rito. Dito nagtatagpo lahat ng uri ng nilalang sa siyudad na ito. Kasama na rito ang mga nadaanan ko na kanina, pati na mga daraanan ko mamaya pag-uwi: mala-Forbes Park at Alabang na lugar makabalik lamang sa aming dampa.

Istambay muna ako rito. Manonood muna ng rock show ng banda kong paborito. Sa ganitong paraan napapanood ko din sila, di nga lang sa mga club tulad ng Rockwell. Rocks lang kasi laman ng bulsa ko na di makakabibili ng bato. Bato na tinitira ng mga anak mayamang pobre sa pagmamahal ng mga magulang nila na ayaw paabala dahil busy sa pag-multiply at pag-add ng pera kaya divided at subtracted attention na naibibigay nila sa kanilang mga anak. Namamalimos ng pagmamahal mga rich kid samantalang namamalimos ng pera mga poor kids. Ba’t di na lang kaya give and take mga anak na mga ito?

Heto na ‘yung isa sa kanila na namamalimos ng pera. Di ko bibigyan ni singkong duling dahil di ko balak palamunin sindikatong may hawak sa kanila at di ko rin pangarap na turuan silang maging tamad at ‘wag magtrabaho para kumita ng salapi. Mabuti’t di ko kasama ang cheatmate kong aktibista. Tiyak pupunain nun kawalan ko raw ng awa dahil di naman lahat ng pulubi ay may sindikato.  

Di ko tuloy napansin ang banda. Tapos na palang tumugtog at kumanta sa siksikan ng mga tagahanga nila. Puro ulo naman nakikita ko. Samantalang yung cheatmate kong aktibista nasa Mendiola, nagkikilos protesta laban sa gobyerno kasama ng mga nagmamahal pa raw sa bayan. Sinamahan ko siya minsan kaso nabomba kami ng tubig, nabato pa ako ng mineral water bottle. Makauwi na nga.

Kayraming organizations at foundations na nagbibigay tulong sa mga mahihirap. Kaso nilalamon lamang sila ng mga naglalakihang mga gusali at mga pagawaang kaydami din. Sila na gumagawa ng kung anu-anong kadalasa’y di mabibili ng mga nadaanan ko na kanina maliban na lang kung magkamal sila ng salapi galing sa masama: carjacking, kidnapping, stealing, ing…ing…ing…

Pasko na pala sa mga susunod na mga lingo. ‘Yun na nga po uli panahon kung kelan nakakabili na ulit ng kung anu-ano kahit papano ang mga nadaanan ko na kanina pero mas lalo na mga madadaanan ko pa lang ngayon. 

Blue at white collared job workers at owners sa mga gusaling ito’y marami. Kaso mas marami daw ang mga unemployed at underemployed ayon sa survey na napanood ko sa T.V. Maraming college graduate ang nagtatrabaho lamang sa mga factory. Hay, mga factory na ito kasama ng mga usok galing sa mga sasakyan na sumisira sa papawirin ang nagdudulot ng smog at polusyon sa hangin. Basura nila kasama ng mga basura ng mga mamamayan equals polusyon sa lupa at sa tubig.

At last! Nakauwi na rin. Heto at isinusuka na ng tinta ng pluma ko ang nakakasukang sitwasyon ng bansang ito: ang pobreng mayamang bansa na mayaman sa utang at sa natural resources. Natural resources na banyaga kadalasan ang nakikinabang. Sinasabayan ng pagtangis ng bolpen ko ang pag-head bang ng ulo ko sa saliw ng musika sa radyo. Baka sakaling may maisip akong paraan para lutasin ang problema ng bayan. Naks! Di naman ako public servant ah. Di rin ako superhero tulad nina Panday at Darna na mapapanood sa telebisyon. Escapist nga daw kasi mga Pinoy kaya mahilig sa fantaserye at teleserye. Yakap sa mga panoorin sa T.V. para iwas suliranin.

Ano kaya magandang trabaho? Taga-bulsa ng kaban ng bayan? Kaban na dapat sa proyektong pang-edukasyon, pang-kalusugan, at pang-hanapbuhay mapunta ay sa kampanya nina ganito at ganyan ginastos noong eleksyon? Tagatugis ng mga criminal sa krimeng ginagawa rin naman ng tagatugis kung minsan? Jueteng lord? Pirata ng mga pelikulang pinapanood at musikang pinapakinggan ko? Rebelde? Terorista? Wag na! Di ako sang-ayon sa marahas na pamamaraan para sa reporma. Komunista? Aktibista? Ayokong mabato uli ng mineral water bottle eh. OFW na lang kaya kahit pa nahuhusgahan ng sentensyang bitay ang ilan sa kabila ng protesta ng mga kababayan dito? Hindi maaawa mga bansang iyon sa bansang ito na may batas kamatayan din. Makatulog na nga.

Bukas balik sa dati ang lahat. Papasok sa iskul at sa trabaho; palakad-lakad sa gabi; magkikibit-balikat na lamang tulad ng dati sa mga napapansing mga bagay ala reklamador ng bayan na kayang palakihin ang maliliit na problema pero wala namang ginagawang solusyon. Kasi wala naman talaga ako magagawa eh. Napapanaginipan ko tuloy ang lahat ng isinulat kong obserbasyon dito.

Kagigising ko pa lang nga eh dating gawi na agad: iskul at trabaho pagkatapos ay palakad-lakad muli sa gabi. Mapalad ako’t di pa malalim ang gabi. Di ko pa masisilayan ganda ng mga Magdalenang mababa ang lipad; iskulmeyt pa nga namin ‘yung iba sa kanila eh. Sila’y mga simpleng dalagang estudyante sa araw at sa gabi ay… Oo nga pala, di lang mga Eba ang prosti ngayon; may mga Adan at half-Eba/half-Adan na rin.

May pag-asa pa ba ang mayamang pobreng bansang Pilipinas na mayaman sa utang at natural resources? Siyempre meron pa! Maaaninag ito araw-araw; di nga lang masyadong pansin. Sa likod kasi ng kadiliman ay may nagkukubling liwanag. Sa likod ng mga ulap ay naroon pa rin ang araw. May pag-asa habang may buhay at may nagsusumikap mabuhay kahit pa man nagkukumahog para lamang mabuhay.

May pag-asa pa habang: may mga Nene pang nagtitinda ng sampaguita imbes na mamalimos sa kalsada; may mga Mang Jose na kahit nakatira sa kariton ay marangal na naghahanap-buhay kahit man sa pag-shoe shine ng sapatos; may mga ate o kuya na mga manggagawa sa mga factory at trabahador sa construction imbes na gumaya kina Lampayatot at sa mga adik sa looban; may mga tindero at tindera ng mga kakanin, turu-turo sa karinderya, mga iba’t-ibang klase ng street foods, market goods, atbp. sa loob at sa labas ng mga agora sa halip na magtulak ng mga ipinagbabawal na gamot; may mga sir at madam na walang sawang magturo sa mga pag-asa ng bayan sa kabila ng kakarampot nilang sahod kahit pa man terror sila kung minsan; may mga estudyanteng kahit nahaharap sa iba’t ibang uri ng mga hamon at hirap sa buhay – mapa-pinansyal, emosyonal, sosyal man, atbp. ay nag-aaral pa rin ng mabuti; may mga bagong bayani na tinitiis ang pagka-home sick sa abroad; may mga rakista at iba pang mga alagad ng sining; may mga tagapagpatupad at tagapagtanggol ng batas na may malinis na konsensya sa trabaho; at may mga pulitiko at mga kawan ng gobyernong hindi kurakot. Habang nandito silang lahat, may pag-asa pa. #



December 2005: 10th, 8th, 6th, 1st, and a few weeks earlier  
Share on Google Plus
    Blogger Comment
    Facebook Comment

0 comments :

Post a Comment